Pwersa ng rebeldeng NPA, patuloy na lumiliit – DILG
January 11, 2019

Mula Hulyo 1, 2016 hanggang Disyembre 28, 2018, umabot sa 8,367 komunistang rebelde ang nagbalik-loob na sa pamahalaan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, sa nasabing bilang, 1,117 dating rebelde ang nabigyan na ng benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), isa sa mga pangunahing components ng inter-agency Task Force Balik Loob Program.

Sinabi ni Año, naging matagumpay ang programa ng pamahalaan saan mang dako ng bansa kaya’t hinihikayat pa nito ang iba pang rebelde na isuko na ang kanilang armas at samantalahin ang alok ng pamahalaan.

Sa bilang na 8,367 rebel surrenderers, 1,207 ay pawang mga armed New People’s Army (NPA) regulars, habang ang iba naman ay mga militia ng Bayan, lokal na sangay ng partido, at underground mass activists.

Mula noong nakalipas na Disyembre 21, kabuuang 1,117 dating rebelde ang binigyan na ng financial assistance na karamihan ay mula sa Davao Region kung saan 361 ay naging benepisyaryo na ng programa.

Sinundan ito ng Soccsksargen na may 166 benepisyaryo at Caraga na may 149.

Sinabi pa ng kalihim, ang pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inaasahang makakahikayat pa ng maraming rebelde na susuko dahil nakatuon ito sa localized peace engagements.

Samantala, may 34 lalawigan at lungsod ang binigyan din ng financial assistance na nagkakahalaga ng P170 million para sa konstruksyon ng halfway houses para sa mga rebel returnees. | ulat ni Rey Ferrer