Red Cross volunteers, nakaposisyon na sa Northern Luzon at handa na sa pagdating ni bagyong Ompong
September 14, 2018

Abot sa 30,000 community volunteers ng Philippine Red Cross sa Northern at Central Luzon Chapters ang nakakalat na para magbigay ng situational reports sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Ompong.

Kasabay nito ang pag-deploy ng rescue at relief assets ng Red Cross sa Nueva Viscaya para tulungan ang mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.

Ayon kay PRC Chairperson at Sen. Dick Gordon, nasa lalawigan na ang humanitarian caravan ng PRC mula sa Metro Manila, kabilang ang 10,000-liter water tanker, apat na 10-wheeler trucks, apat na generator sets, isang payloader, isang mobile kitchen, rescue boat, at relief goods.

Habang ang Emergency Response Unit nito ay naikalat na rin sa Isabela at Cagayan na unang tatamaan ng hagupit ng bagyo.

Samantala umapela na sa publiko ang PRC at humihingi ng tulong o donasyon. Maaari lamang na tawagan ang mga numerong 0917-834-8378 at para naman sa emergency na pangangailangan i-dial lang ang PRC Hotline 143.  | ulat ni Rey Ferrer