Sumbong sa umano’y “pagbisita” ng mga pulis sa bahay ng U.P. student regent, hindi pa nakarating kay PNP Chief
September 14, 2018

Hinda pa natanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang sumbong tungkol sa umano’y “pagbisita” ng mga pulis sa bahay ng student regent ng University of the Philippines.

Ito ang reaksyon ng PNP chief tungkol sa ulat na sumulat umano sa PNP chief si U.P. President Danilo Concepcion para ireklamo ang naturang insidente.

Sa liham ni Concepcion, nakasaad umano na tatlong unipormadong pulis ang “bumisita” sa U.P. Campus residence ng U.P. student regent na si Ivy Joy Taroma noong September 12.

Nang hindi matagpuan sa kanyang tirahan si Taroma, nagtungo pa umano sa Palma Hall ng U.P. ang mga pulis para hanapin si Taroma.

Sa kanyang liham kay Albayalde, nagpahayag ng pagka-bahala sa insidente ang U.P. President at nagtanong kung may nalalaman ang mga opisyal ng PNP ukol dito.

Maliban sa sinabi ng PNP chief wala pa siyang natatanggap na liham, wala pang opisyal na pahayag ang PNP ukol sa sinasabing insidente.  | ulat ni Leo Sarne