Sunog sa North Ave., Brgy. Vasra, QC, tumupok ng may 100 kabahayan
May 23, 2018

Inabot ng halos apat na oras bago tuluyang naapula ang sumiklab na sunog ngayong hapon na tumupok sa nasa 100 kabahayan sa North Avenue, Barangay Vasra, Quezon City.

Sa interbyu ng Radyo Pilipinas kay BFP-QC District Fire Marshal Sr. Supt. Manuel Manuel, ganap na alas-8:32 ngayong gabi idineklarang ‘fire out’ ang sunog na umabot sa ika-limang alarma.

Sa ngayon aniya ay patuloy pang inaalam ng arson investigator ang dahilan ng apoy bagamat natunton na nagsimula umano ito sa tatlong-palapag na bahay ng isang Rodney Pedragosa.

Kaugnay nito, lima lamang ang naitalang  nagtamo ng ‘minor injuries’ sa insidente at kabilang dito ang dalawang rumespondeng bumbero.

Mahigit sa 300 pamilya ang apaktedo ng sunog na pansamantala munang naninirahan sa covered court ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center.

Nagpadala na rin sa kanila ng ayuda ang Quezon City local government.

Sa kasagsagan ng pag-apula ng malaking sunog kanina, naapektuhan ang trapiko sa kahabaan ng North Avenue dahil pansamantala itong isinara sa mga motorista.

Nagpahirap din sa pagpasok ng mga trak ng bumbero ang mga itinayong harang sa lugar bunsod ng ongoing na expansion project ng MRT-7.

Tinatayang nasa kalahating milyong piso ang pinsala sa naturang sunog. | via Shane Juan