Una sa dalawang bagong frigates ng Phil Navy, inilunsad sa South Korea 
May 24, 2019

Inilunsad kahapon mula sa Hyundai Heavy Industries Shipyard sa Ulsan, South Korea ang una sa dalawang bagong Frigates ng Philippine Navy, na bibindisyunang “BRP Jose Rizal”.

Kasabay din ng launching ceremony ang keel-laying ceremony o pagsisimula ng konstruksyon ng ikalawang bagong Frigate na papangalanang “BRP Antonio Luna”.

Ang “BRP Jose Rizal” ay nakatakdang i-deliver sa Philippine Navy sa huling bahagi ng susunod na taon, habang ang “BRP Antonio Luna” ay inaasahan namang ide-deliver sa unang bahagi ng 2021.

Ang Seremonya ay dinaluhan ni Navy Chief Vice Admiral Robert Empedrad kasama si AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr. at National Defense Undersecretary for Finance and Materiel Raymundo Elefante.

Kasama din sa Philippine delegation sina Philippine Fleet Commander Rear Admiral Giovanni Carlo Bacordo, Deputy Chief of Staff for Logistics Major General Pio Diñoso III at Technical Inspection and Acceptance Committee Chairman Commo. Alberto Carlos.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Captain Jonathan Zata, ang dalawang bagong frigate ang kauna-unahang barkong pandigma ng Pilipinas na may kakayahan na magsagawa ng Anti-Air Warfare (AAW), Anti-Surface Warfare (ASUW), Anti-Submarine Warfare (ASW) at Electronic Warfare (EW) Operations.

Ang dalawang Frigate na nagkakahalaga ng P16 na bilyon, ay pinondohan sa pamamgitan ng AFP Modernization Act Trust Fund.  | ulat ni Leo Sarne