Walang napipintong banta sa panahon ng Ramadan ayon kay AFP Spokesperson Arevalo
May 17, 2018

Walang na-monitor na napipintong banta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panahon ng Ramadan. Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo kasabay ng pagtiyak na nakabantay ang AFP sa anumang posibleng banta.

Ang pahayag ni Arevalo ay kasunod ng mga naganap na serye ng pagsabog sa Indonesia nitong linggong ito.

Unang pinasabog ng mga suicide bombers sa Indonesia ang tatlong simbahan sa Surabaya noong Linggo ng umaga at isang apartment building sa Sidoarjo kinagabihan na sinundan ng pagpapasabog sa Surabaya Police Headquarters nitong Lunes ng umaga.

Una ng siniguro ni Arevalo na may mga kaukulang hakbang na ginagawa ang AFP upang hindi mangyari ito sa bansa.

Nanawagan naman si Arevalo sa mga kapatid na Muslim na makiisa sa AFP sa pagtiyak na mananatiling mapayapa ang paggunita ng Ramadan. | via Leo Sarne