AFP, handang patunayan na ginagamit sa terorismo ang donasyong natatanggap ng front organizations ng NPA
March 15, 2019

Naninindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginagamit sa terorismo at kinukurakot ng mga matataas na lider komunista ang milyon-milyong donasyong natatanggap ng mga front organizations ng CPP-NPA-NDF.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, inaasahan nila na papabulaanan lang ito ng mga naturang front organizations na nagpapanggap na mga human rights organizations at NGOs, pero handa naman aniya ang AFP na patunayan ito.

Ito’y matapos na ipaalam ni AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations, Brig. Gen. Antonio Parlade, sa mga gobyerno ng Belgium at Europe sa pagtungo doon ng isang delegasyon mula sa Pilipinas, na ang kanilang mga donasyon sa mga organisasyong ito ay napupunta talaga sa NPA.

Iniulat ni Parlade sa Malacañang na nagpahayag ng kahandaan ang mga opisyal ng Belgium at Europe na itigil ang kanilang mga donasyon kung mapatunayan ng Pilipinas na ginagamit sa terorismo ang kanilang mga donasyon.

Ayon kay Arevalo, mataas ang kumpiyansa ng AFP na makukumbinsi nila ang mga foreign donor organizations at governments na itigil ang kanilang pinansyal na supporta sa mga NPA front organizations kapag maiprisinta na ng AFP ang hinihingi nilang ebidensya.  | ulat ni Leo Sarne