“Approval process” ng Solid Waste Management Plans ng mga lokal na pamahalaan, minamadali na
November 09, 2018

Minamadali na ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang “approval process” ng sampung taon na “solid waste management plans,” na isinumite ng mahigit sa 1,600 siyudad at munisipalidad sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ang NSWMC ay ang pangunahing ahensya na may tungkulin na pangasiwaan ang pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000,” na humihiling sa bawat lokal na pamahalaan na magsumite ng Solid Waste Management Plan na maa-update tuwing ika-10 taon.

Ang komisyon ay binubuo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Unit Concerns-Benny Antiporda, mayroon lamang 400 na plano ang naaprubahan sa mahigit 1,600 na ipinasa ng mga lokal na pamahalaan noon pang 2014.

Aniya, may backlog na nasa 1,200 na kailangang madaliin ang pagpasa nang sa gayon ay maipatupad na ito ng mga lokal na pamahalaan para maayos ang problema ng basura sa kani-kanilang lokalidad.

Simula ngayong Nobyembre, susubukan ng NSWMC na maaprubahan ang isang daang (100) solid waste management plan kada buwan hanggang maubos ang backlog.

Dati-rati umano, mga sampu (10) hanggang dalawampung (20) plano lamang kada buwan ang naaaprubahan.

Sa ilalim ng Republic Act 9003, ang mga lokal na pamahalaan ang responsable para sa “waste segregation and disposal”.

Nagbibigay ang naturang batas ng isang “systematic, comprehensive, at ecological solid waste management program” na kinapapalooban ng “solid waste management activities” gaya ng avoidance, reduction, reuse, recycling, composting and proper disposal of residual waste. | ulat ni Ched Oliva