Bagama’t marami pang dapat gawin, mas mabuti na ngayon ang operasyon ng MRT-3 – Sen. Poe
July 13, 2018

Aminado si Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee  on Public Services na mas mabuti na ngayon ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT-3) pero hindi  ibig sabihin na hindi na magkakaaberya ang operasyon nito sa mga susunod na araw.

Ayon kay Poe, bagama’t malayo pa para maging perpekto ang operasyon ng MRT-3,  siya’y nasisiyahan na hindi na nagiging madalas ang breakdown nito tulad sa nakaraan nang ito’y umaasa pa noon sa kanilang dating maintenance provider, ang Dalian company.

Aniya, sa kanyang ilang beses na pakikipagpulong kay Transportation Secretary Arthur Tugade, kanyang napag-alaman na kasalukuyan silang nagsasagawa ng imbentaryo ng mga kinakailangang parts sapagkat ang huling maintenance provider na Dalian  para sa operasyon ng MRT-3 ay di nagbigay ng mga kinakailangang replacement

Sinabi pa ni Poe na kailangan din ng MRT-3 ng karagdagang mga tren o mga bagon at pinag-aaralan na rin ngayon ang pagsasagawa ng adjustment upang  magamit at mapakinabangan ang mga Dalian trains na sinasabing hindi kasukat ng kasalukuyang railway system ng MRT-3.

Tiniyak umano ng Department of Transpotation (DOTR) at MRT-3 management na kapag nagawa ang kaukulang adjustment, magagamit na sa nalalapit na mga araw ang mga nasabing Dalian train. | ulat ni Jojo Ismael