Bagong sistema sa pag-avail ng libreng edukasyon, ipapatupad ng CHED sa susunod na taon
April 26, 2019

Simula sa taong 2020, ipapatupad na ng Commission on Higher Education (CHED) ang panibagong sistema sa pagsusumite ng aplikasyon ng mga estudyanteng nais maging benepisyaryo ng Student Financial Assistance Program o StuFAPS.

Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera III , ang pagbabago sa sistema ay bunga ng pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nais makakuha ng scholarships at grants-in-aid.

Bukod sa online application, maglalagay rin ang komisyon sa bawat tanggapan nito ng mga drop box, kung saan, maaaring ihulog o iwan ng aplikante ang kani-kanilang mga dokumento o requirements para sa StuFAPS.

Ang pagdami aniya ng mga aplikante ay dahil sa bagong batas na nagbibigay ng libreng edukasyon para sa mga kabataan na nagsusumikap makatapos sa kolehiyo.

Una nang naglabas ng statement si De Vera, kung saan, pinabubulaanan nila ang ulat na sinisisi ng CHED ang mga estudyanteng pumipila sa kanilang tanggapan, na kung kailan malapit na ang deadline, saka lang sila nagsusumite ng aplikasyon sa CHED. | ulat ni Rey Ferrer