China, nangako ng mga tulong para sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas
April 26, 2019

Tinalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa kanilang bilateral meeting, kung papaano makakatulong ang Belt and Road initiative ng China sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magbibigay ang China ng mga resources sa Luzon at Mindanao, gayundin ang pagsusulong ng Clark Green City.

Sinabi ni Panelo, tinuran ni Xi na may mahalagang gampanin din ang BRI sa ASEAN-China relations kung saan ang Pilipinas ay ang nagsisilbing country coordinator.

Sinabi rin ni President Xi na maaari nang magturo ng English ang unang batch ng Filipino teachers sa China.

Dagdag pa rito, nangako ang China na patuloy na magbibigay ng bigas at fingerlings at mag-aangkat ng mga prutas galing sa Pilipinas.

Nangako rin ang China na magbibigay ng isang bilyong yuan o nagkakahalaga ng nasa pitong bilyong piso sa Pilipinas.

Sa panig ng Pangulong Duterte, isa itong opportunity para lalong mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at China na layon pang palaguin sa susunod na panahon para maramdaman ng mga Pilipino ang halaga ng relasyon ng Pilipinas at China.  | ulat ni Keith dela Cruz