COA chairperson, nauunawaan ang mga batikos sa kanila ng Pangulong Duterte — Spox Panelo
January 12, 2019

Nauunawaan umano mismo ni Commission on Audit (COA) Chairperson Michael Aguinaldo ang mga nais na ipahiwatig ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naging banat nito sa kanilang tanggapan kamakailan.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos aniya nitong makaharap kamakalawa ang COA chief sa isang kainan sa San Juan.

Kwento ni Panelo, hindi sinasadyang nakaharap niya sa isang restaurant ang chairman ng COA dahil sa isang common friend dahilan para magkaroon sila ng pagkakataong magkausap.

Dito aniya niya nabatid na hindi naman minamasama ni Aguinaldo ang naging pahayag ng Presidente sa COA gayung alam naman nilang mahilig itong magbiro.

Bukod dito’y naiintindihan rin umano ng naturang COA official ang nais na ipahiwatig ng Presidente ayon kay Panelo.

Wika tuloy ng tagapagsalita ng Pangulo, buti pa ang mga binabanatan ng Pangulo ay naiintindihan sya, samantalang ang mga wala aniyang sapat na pang-unawa ay wala nang ibang ginawa kundi batikusin ang Chief Executive.

Hindi na aniya dapat na ikagulat ang istilo ng Pangulo dahil ito ang kanyang paraan upang mas madaling maintindihan at matanggap ng masa ang mga nais nitong ipahiwatig.  | ulat ni Alvin Baltazar