COMELEC Davao, tiniyak ang kahandaan sa paghahain ng COC sa unang araw
October 12, 2018

Tiniyak  ni Atty. Krisna Samanta Caballero, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) Davao, na naging handa sila sa paghahain ng mga kandidato sa kanilang Certificates of Candidacy (COC) kahapon, October 11, kaugnay sa gaganaping midterm election sa 2019.

Nilinaw din ni Caballero, na hindi nila maaaring hadlangan ang paghahain ng COC ng mga kandidato na nasa narco list, basta susundin lang ng mga ito ang mga patakaran at regulasyon.

Wala rin bagong mga requirement, maliban na lamang sa gagamiting porma na maaaring ma-download mula sa kanilang website.

Sa kabilang dako, patuloy pang inaalam ng Comelec Davao ang mga lugar na posibleng mapabilang sa election hotspots sa rehiyon ng Davao.

Sa ginanap na Armed Forces of the Philippine (AFP) – Philippine National Police (PNP) press conference sinabi ni Caballero, bago ang eleksiyon magpapatawag sila ng meeting sa mga militar at pulisya para sa pagsasapinal ng mga lugar na mainit ang labanan ng mga pulitiko.

Sa ngayon, ang tanging tinututukan ng kanilang ahensiya ay ang mga dating lugar na kabilang sa kanilang listahan noong nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan Election.

Ang paghahain ng COC ay nakatakda simula October 11 hanggang 12 at October 15 hanggang 17, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. | ulat ni Dang Sabdani – DXRP Radyo Pilipinas Davao