Dalawang assistant secretary, pinaghahain ng resignation ni Pangulong Duterte
May 15, 2018

Dalawang assistant secretary ang pinagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kani-kanilang mga puwesto dahil sa isyu ng korapsyon.

Sa press briefing sa Palasyo, inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang pagkakakilanlan ng dalawang assistant secretaries na sina Mosliman Macarambon Sr. ng Department of Justice at DPWH Assistant Secretary Tinganun Umpa.

Lumabas aniya sa imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission na si Macarambon ay nanghihimasok at may kinalaman umano sa mga pinaghihinalaang mga smuggler na nag-ooperate sa NAIA.

Sa kabilang dako’y si Umpa naman ng DPWH ay napatunayang may pang-aabuso sa kanyang kapangyarihan at sangkot sa isyu ng korapsyon dahil sa umano’y panghihingi ng porsyento sa mga contractor sa ARMM.

Utos aniya ni Pangulong Duterte sa dalawang appointee, maghain na lang ng kanilang resignation at kung hindi’y i-titerminate ang mga ito sa kanilang posisyon. | via Alvin Baltazar