Dating PNP Chief Dela Rosa, hindi dapat maliitin sa pag-amin na walang ideya sa pagpasa ng batas
May 16, 2019

Hindi dapat maliitin si dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y senatorial candidate, Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, sa pag-amin nito na wala siyang ideya kung paano gumawa ng batas sa oras na pormal na itong maupo bilang senador.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokeperson Salvador Panelo na kung tutuusin, dapat pang purihin si Dela Rosa sa pag-amin nito ng limitasyon sa kanyang kapasidad.

Matatandaan kasi na sinabi ni Dela Rosa na kailangan nitong sumailalim sa seminar, upang malaman ang proseso ng pagpasa ng batas.

Ayon kay Panelo, tila nakakalimutan ng mga bumabatikos na hindi naman lahat ng nasa Senado ay mga abogado.

Halimbawa na lamang aniya sina Senator Manny Paquiao at Senator Panfilo Lacson, na dati rin naging PNP chief, at wala ring alam noon sa lehislatura, ngunit ngayon ay isang magaling na mambabatas.

Isang halimbawa pa, ayon kay Panelo, ay si mismong Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Aniya, nakakalimutan rin ng mga pumupuna kay Dela Rosa na PMA graduate ito, at ang mga graduate aniya ng PMA ay kilala sa kanilang intellect o kagalingan. | ulat ni Racquel Bayan