Deadline sa registration para sa Hajj 2019, hanggang Marso na lang — NCMF
February 17, 2019

Hanggang Marso 20 ngayong taon na lamang ang huling araw ng registration para sa Hajj 2019 sa 11 regional offices ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).

Ayon kay NCMF Secretary Saidamen Pangarungan, saklaw ng deadline ang pagbabayad ng P166,786 na hajj fees at airfare ng bawat pilgrim na tutungo sa taunang Hajj o pilgrimage sa Mecca Saudi Arabia.

Paglilinaw pa ni Pangarungan, hindi na maaaring kanselahin o i-refund ang Mutawiff sa mga nakapagrehistro na at nagpasiya na hindi na ituloy ang kanilang biyahe doon.

Kumpara noong 2018, mas mababa na ng P30,214 ang hajj fees at airfare ngayong 2019.

Bawat pilgrim ay magbabayad na lamang ng P166,786 na mas mababa sa P197,000 na dating singil noong 2018 para makarating sa pilgrimage.

Pinasalamatan ni Secretary Pangarungan ang Duterte administration sa tulong para maibaba ang Hajj fees at airfare gayundin ang Royal Embassy of the Kingdom of Saudi Arabia sa Pilipinas dahil sa pagtulong nito sa pilgrimage kada taon para sa Muslim Filipinos.  | ulat ni Rey Ferrer