DILG, hinamon ang mga kabataan, katutubo, urban poor na ipagtanggol ang kalayaan laban sa mga kaaway ng pamahalaan
June 12, 2019

Kasabay ng selebrasyon ng ika-121 paggunita ng Araw ng Kasarinlan, hinikayat ni Interior Secretary Eduardo Año ang sambayanan partikular ang mga kabataan, mga katutubo at mga urban poor na protektahan ang tinatamasang kalayaan laban sa “enemy of the state.”

Ayon kay Año, dapat labanan ang nangyayaring recruitment ng grupong komunista para sa layuning makipagdigma sa gobyerno.

Ani Año, bagamat malaya na ang bansa mula sa dayuhang mananakop, nariyan pa rin ang communist ideology na ipinasok sa bansa.

Sa pamamagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), nalilinlang ang mga kabataan at mga bulnerableng sektor para sumama sa pagpapahina sa demokrasya at pag-aalsa laban sa gobyerno.

Binigyan-diin ng DILG chief na hindi kinakatawan ng leftist groups ang boses ng sambayanan.

Nagtatago lamang aniya ang mga ito sa pagiging tagapagtanggol ng masa.

Pero sa likod nito, layunin nila na pabagsakin ang demokrasya at palitan ng maka-komunistang pamumuno ang bansa.  | ulat ni Rey Ferrer