DOH Davao, naitala ang 75% na pagbaba ng kaso ng measles
February 11, 2019

Sa kabila ng mababang bilang ng kaso ng tigdas sa Davao Region, nagpapatuloy pa rin ngayon ang mas pinalakas na immunization campaign ng Department of Health (DOH)-XI.

Nananawagan si Dr. Annabelle Yumang, Regional Director ng DOH-Davao, sa lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders na makipagtulungan sa ahensya upang maipaintindi lalo na sa mga magulang, ang kahalagahan ng anti-measles vaccine.

Base sa record ng Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), mula January 1 hanggang February 10, 2019, 75% na mas mababa ang kaso ng tigdas sa rehiyon kung saan mula sa 347 sa 2018, ay nasa 86 na lamang ito ngayon.

Pinakamaraming kaso ng tigdas ay naitala sa Davao City na may 53 suspected measles cases, na sinundan ng Davao del Sur na may 20 kaso, pito sa Compostela Valley Province, lima sa Davao del Norte at isa naman sa Davao Oriental.

Sa nasabing bilang, dalawa na ang naitalang namatay.

Umaasa ngayon ang ahensya na maabot ang 95% na vaccination coverage sa Davao Region.   | ulat ni  Sheila Lisondra