E.O. ng Pangulong Duterte kaugnay sa paninigarilyo, dedma sa mga Pinoy
May 16, 2019

Hindi umano nasusunod ang anti-smoking reforms policy o Executive Order #26 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa media forum, sinabi ni Jack Sarita, managing editor ng Philippine Health Justice, bagsak ang ilang mga paliparan at mga local government units (LGUs), dahil dedma lamang ang mga naninigarilyo sa terminal.

Tinukoy ni Sarita ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na walang inilagay na Indoor Designated Smoking Area.

Sinabi naman ni Dr. Rachel Rosario, executive director ng Philippine Cancer Society na maging ang mga LGUs ay bagsak sa implementasyon, dahil hindi man lamang nakapagtatag ng Smoke-Free Task Force na magmo-monitor sana sa violators.

Batay sa record ng Department of Health, isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ay sanhi ng cancer, dulot ng paninigarilyo.

Kahit ang second-hand smoking o nakakasinghot lamang ng usok mula sa sigarilyo ng iba, ay lantad sa panganib sa kanilang kalusugan.

Iginiit ng grupo na dapat na mabisita muli ang polisiya, upang hindi magkaroon ng access sa tobacco ang mga nasa edad na mababa sa 18-anyos.  | ulat ni Rey Ferrer