Grupo ni Satur Ocampo, ginamit ang mga Lumad para makalikom ng foreign donations – AFP
December 07, 2018

Ginagamit lang ng grupo ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo ang mga Lumad para makalikom ng pondo mula sa mga foreign donors.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs office Chief Col. Noel Detoyato sa isang press conference sa Camp Aguinaldo kahapon kung saan humarap din ang mga tribal leaders ng mga katutubo.

Ayon kay Detoyato ang aktibidad ni Satur Ocampo sa Talaingod kung saan ito inaresto sa umano’y tangkang pag-kidnap sa 14 na menor de edad na mag-aaral, ay bahagi lang ng mas malawak na operasyon ng CPP/NPA na tinatawag na “lumad schools”.

Kabilang dito ang Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy, Assumption Interfaith Academy Foundation, Father Fausto Tentorio Memorial School, Mindanao Community Agricultural School Foundation Inc, Tribal Filipino Program in Surigao Del Sur, Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development, at Center for Lumad Advocacy and Networking, Inc.

Pinatotohanan ng mga tribal elders sa press conference na mga NPA ang nagpapanggap na mga guro sa mga paaralang ito, para makundisyon ang utak ng mga kabataan.

Sinabi naman ni Detoyato na bukod sa brainwashing at recruitment activities ng CPP/NPA sa mga paaralang ito, ginagamit ng grupo ni Satur at iba pang front organisations ng CPP-NPA ang mga paaralan na pang-pronta sa mga international donors para makalikom ng pondo.

Tinukoy ni Detoyato ang mga grupong Bayan Muna, Anakpawis, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Gabriela, at Kabataan, na umano’y nang-hihihkayat ng mga walang-malay na dayuhan na magdonate sa mga paaralan sa pamamagitan ng International Solidarity Movement. | ulat ni Leo Sarne