Higit P19-B ‘pork commission’, nabura sa budget veto ng Pangulo – Sen. Lacson
April 16, 2019

Nailigtas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aabot sa P19-bilyong piso sa kaban ng bayan sa ginawa nitong pag-veto sa P95-billion pesos sa 2019 national budget.

Pinahayag ito ni Senador Panfilo Lacson kasabay ng pagpuri sa naging desisyon ng Pangulo.

Ayon kay Lacson, kahanga-hanga ang paninindigan ng Pangulo at kaakibat ng desisyong ito ang panalo para sa lahat ng mga Pilipinong nagbabayad ng buwis.

Giit ng senador, sa P95.3-billion pesos, 20-porsyento nito ang pork commission, o katumbas ng P19.06-billion pesos na nailigtas mula sa pinaghirapang buwis ng taumbayan.

Ganito rin ang posisyon ni Senate President Vicente Sotto III.

Aniya, ang pag-veto ng Pangulo ay isang tagumpay ng taumbayan dahil hindi nakalusot sa Pangulo ang illegal realignment na ginawa ng ilang mambabatas.  | ulat ni Nimfa Asuncion