Ilang residente sa Dagupan City, kusa ng lumikas dahil sa bagyong Ompong
September 14, 2018

DAGUPAN CITY- Kusa ng lumikas ang ilang residente sa lungsod ng Dagupan dahil sa nakaambang epekto ng bagyong Ompong.

Kasalukuyang nasa evacuation center na sa Dagupan City People’s Astrodome ang mga lumikas na pamilya mula sa barangay Carael, Calmay, Salapingao, Pugaro, Tambac, Lomboy, Bonuan Gueset at Boquig.

Karamihan sa mga residenteng ito ay nakatira malapit sa ilog at dagat.

Pinangangambahan ng mga lumikas na residente ang posibleng pagtaas ng alon sa karagatan o storm surge na dala ng bagyo.

Binisita na rin ni Mayor Belen Fernandez ang mga evacuees at pinatiyak sa City Social Welfare and Development Office ang pagbibigay ng kanilang pangangailangan, lalo na ang sapat na pagkain at malinis na inuming tubig. | ulat mula sa DZMQ Dagupan