Isyu ng inflation at mga nakalinyang plano ng administrasyon, ilalahad ng Pangulo sa kanyang SONA – SAP Bong Go
July 13, 2018

Isyu ng inflation at mga plano ng administrasyon sa hinaharap ang ilan sa mga ilalatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatakda nitong State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 23.

Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, hindi lang mga accomplishment sa nakalipas na dalawang taon ang ipipresinta ng Pangulo sa sambayanan kundi pati na kung paano tutugunan ang iba’t ibang isyu na kinakaharap ng bansa.

Sinabi ni Secretary Bong Go na bukod sa inflation, nananatiling hamon pa rin sa pamahalaan ang problema sa kriminalidad na tiyak aniyang hinihintay ding marinig ng publiko mula mismo sa punong ehekutibo.

Samantala, hindi opisyal ayon kay SAP Go ang una nang napaulat na tatagal lamang ng 35 minuto ang ikatlong pag-uulat sa bayan ni Pangulong Duterte.

Kilala naman ayon kay Go ang Presidente na kapag may naalalang bagay na gusto niyang sabihin ay binabanggit at pinapaliwanag nito nang galing sa kanyang puso. | ulat ni Alvin Baltazar