Isyu sa West Philippine Sea, tinalakay nina Pres. Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping
April 26, 2019

Tinalakay ng Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping ang isyu sa West Philippine Sea, partikular na ang Pag-asa Island sa kanilang bilateral meeting.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nagkasundo ang dalawang lider na daanin ang isyu sa negosasyon nang hindi maapektuhan ang kooperasyon ng China at Pilipinas.

Sinabi ni Panelo, mutual trust ng Pilipinas at China ang kailangan para resolbahin ang mga isyu.

Sinabi ni Panelo, pinag-usapan din sa pulong nina Pangulong Duterte at President Xi ang Memorandum of Understanding on Oil and Gas, kung saan sinuspinde ng dalawang bansa ang kanilang pagkakaiba para sa joint exploration kung saan makikinabang ang Pilipinas at China.

Sa panig ng Pangulong Duterte, sinabi ni Panelo na tiniyak ng Punong Ehekutibo na nananatiling kaalyansa ng Pilipinas ang China sa Southeast Asia.

Aniya, tinuran ng Pangulong Duterte na ang alyansa ay pinalalakas at hindi nagsisiraan sa isa’t-isa.  | ulat ni Keith dela Cruz