Karagdagang estrelya, isinabit ng Pangulo sa mga bagong Lt. Generals at Major Generals
November 09, 2018

Isinabit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang estrelya sa mga bagong Lt. Generals na sina Philippine Military Academy (PMA) Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Philippine Army (PA) Commanding General, Lt. Gen. Macairog Alberto.

Sa donning of ranks ceremony na isinagawa sa Villamor Airbase noong Miyerkules, isinabit din ng Pangulo ang pangalawang estrelya ni Major Gen. Erwin Bernard Neri, Chief of the Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Bukod sa mga nabanggit na key officers ng AFP, lima pang matataas na opisyal ng militar ang na-promote sa ranggong major general at brigadier general sa donning of ranks ceremony, na pinangunahan naman ni AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr., sa Camp Aguinaldo kahapon.

Ang mga nabigyan ng pangalawang estrelya ay sina Major General Felipe Bejar, Jr., chief ng AFP Corps of Engineers, Maj. Gen. Erickson Gloria, AFP Deputy Chief of Staff for Personnel, J1, at Maj. Gen. Pio Diñoso III, AFP Deputy Chief of Staff for Logistics, J4.

Ang mga bagong brigadier o one-star generals naman ay sina Brig. Gen. Reno Tolentino, Assistant Deputy Chief for Personnel, AJ1, Brig. Gen. Adrian Sanchez Jr., Assistant Deputy Chief of Staff for Communications, Electronics and Information Systems Service, AJ6; at Brig. Gen. Ben Hur Cudal, Chief Dental Service AFP.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez, ang promotion system sa AFP ay ehemplo ng propesyonalismo sa militar na sumisiguro na ang tamang key-players ang mailalagay sa pwesto para sa kaunlaran ng organisasyon. | ulat ni Leo Sarne