Kondisyon ng Taal Volcano, nanatiling abnormal — PHIVOLCS
March 31, 2019

Nanatili pa ring abnormal ang kondisyon ng Taal Volcano sa Taal, Batangas.

Bagamat nakapagtala lamang ito ng dalawang volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras nanatiling nakaamba pa rin ang mapanganib dito.

Nitong nakalipas na ika-28 ng Marso 2019, nakitaan ng pagtaas ng water temperature ang bulkan mula 30.7°C na naging 31.7°C sa bahagi ng Eastern sector ng Main Crater Lake.

May pagbaba din sa water level mula 0.46 meter sa 0.41 meter at pagtaas sa acidity mula sa pH 2.95 sa pH 2.67.

Base pa rin sa pagsusuri ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula Marso 18 hanggang 27, 2019 napansin na rin ang bahagyang pamamaga ng lupa.

Nasa Alert Level 1 na ang estado ng bulkan matapos itaas noong isang araw na nangangahulugan ang posibleng pagsabog nito.

Dahil dito pinayuhan ang publiko na iwasan muna ang paglapit sa main crater dahil posibleng magkaroon ng mga biglaang steam explosions pati na sa northern portion ng main crater rim sa paligid ng Daang Kastila Trail.

Nagpaalala din ang PHIVOLCS na buong Volcano Island ay isang permanent danger zone at ang permanent settlement sa isla ay hindi inirerekomenda.

Bago itinaas sa alert level 1 ang Bulkang Taal, nagparamdam ito ng 50 volcanic earthquake mula Marso 22 hanggang 28 na palatandaan na nagiging abnormal ang aktibidad nito.  | ulat ni Rey Ferrer