Kontrobersiya kay Tourism Promotions Board COO Cesar Montano, hindi panghihimasukan ng Palasyo
May 17, 2018

Hindi na kailangan pang pakilusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Anti -Corruption Commission (PACC) para imbestigahan si Tourism Promotions Board Chief Operating Officer Cesar Montano sa kontrobersiyal na walumpung (80) milyong pisong pondo sa “Buhay Carinderia” program.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nasa hurisdiksiyon na ni Tourism Secretary Bernadette Puyat ang nasabing isyu.

Ayon kay Roque, hahayaan na muna ng Malacañang si Puyat na alamin ang puno’t dulo ng “Buhay Carinderia” na inilunsad ni Montano.

Bukod sa “Buhay Carinderia” program, kabilang din sa reklamo sa aktor ang dalawang minutong pagtatalumpati nito sa New York.

Una na ding inireklamo ng mga empleyado ng Tourism Promotions Board si Montano dahil sa pagpasok sa multimilyong pisong deal nang walang kaukulang rekomendasyon at approval ng board, pagkuha ng mga kamag-anak at kabigan bilang sariling staff. | via Alvin Baltazar