LGU Dagupan sinuspinde na ang klase sa Biyernes at Sabado dahil sa bagyong Ompong
September 12, 2018

DAGUPAN CITY- Idineklara na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang suspensyon ng klase sa araw ng Biyernes at Sabado bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Ompong na itinuturing na ngayong super bagyo.

Sinuspinde ni Mayor Belen Fernandez ang klase sa mga nasabing araw para mapaghandaan ng publiko ang epekto ng bagyo at mapangalagaan ang kapakanan ng mga estudyante.

Sa ngayon ay pinag-aaralan naman ng lokal na pamahalaan kung maging bukas araw ng Huwebes ay isususpinde narin ang pasok sa mga paaralan base sa magiging rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nagpatawag narin ng pulong ang alkalde kasama ang mga kinauukulang ahensya, at mga barangay official para matalakay ang mga dapat gawing paghahanda sa posibleng pagtama ng nasabing malakas na bagyo.

Inihanda narin ang lahat ng mga evacuation centers na maaaring pagdalhan sa mga residenteng posibleng ilikas.

Pinaalalahanan narin ang lahatng mga nakatira malapit sa dagat at ilog na maagang lumikas at huwag ng hintayin ang epekto ng malakas na bagyo. | ulat mula sa DZMQ Radyo Pilipinas Dagupan