Libreng edukasyong isinusulong ng gobyerno, naging banta sa mga catholic at private schools – CEAP
August 18, 2018

Nagpahayag na ng pagkabahala ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa umiiral na batas na RA 10391 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa pulong balitaan sa Pasig City, tahasang ibinunyag ni CEAP President Fr. Joel Tabora, na banta sa mga Catholic schools at sa private education ang naturang batas.

Mula daw ng ipatupad ito bumagsak na sa 60 hanggang 70 porsiyento ang enrollment ng mga estudyante sa pribadong unibersidad sa Metro Manila noong taong 2015-2016 enrollment.

Habang sa Visayas naman isa sa top performing member school sa Cebu ang nakakaranas ng mababang enrollment turnout gayundin ang paglilipat ng mga estudyante mula sa pribado patungo sa mga state universities at colleges at maging sa Mindanao.

Aniya unti-unting pinapatay ng gobyerno ang private higher education dahil nahihikayat ang mga estudyante na lumipat ng ibang mapapasukang eskwelahan na libre ang tuition fees.

Dahil dito, nais nila na magkaroon ng amendment sa batas para magkaroon daw ng linaw ukol dito.

Ang Catholic Education Association Of the Philippines ay mayroong 1,484 member school sa buong bansa na di sumasangayon sa free education sa mga state universities at colleges sa bansa.

 | ulat ni Rey Ferrer

Photo courtesy: CBCP News