LTFRB, mali ng intindi sa sariling memorandum circular
June 13, 2019

Mali ang interpretasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa sarili nitong memorandum circular (MC), na diumano ay tuluyan nang nagbabawal na gamitin ang hatchback units bilang transport network vehicle service (TNVS).

Ito ang nilinaw ni Atty. Ariel Inton, ang pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), kasunod ng pagdulog sa kanyang tanggapan ng hatchback community, ang grupo ng TNVS operator at drivers na hindi na pinayagan pang makakuha ng prangkisa para makapamasada sa ilalim ng transport network companies.

Ayon kay Atty. Inton, na dati ring board member ng LTFRB, walang nakasaad sa Memorandum Circular 2018-005 na hindi na tatanggapin ang hatchback unit o mas maliliit na sasakyan.

Ang nakasaad aniya sa MC ay maaari pang ipasok bilang TNVS ang isang hatchback unit hanggang Pebrero 2021 o tatlong taon matapos itong ipatupad noong Pebrero 2018.

Maaaring na-overlook lamang aniya ito ni LTFRB Chairperson Martin Delgra dahil on leave ito at hindi nakapirma sa memorandum na pirmado noon nina dating LTFRB Board Member Eileen Lizada at Ronaldo Corpuz.

Dahil dito payo ni Atty. Inton, dapat ay i-review muli ng LTFRB ang MC 2018-005, dahil bukod sa maaari silang makasuhan ng hindi pagtupad sa sariling inilabas na kautusan ay maraming driver at operator ng TNVS ang mawawalan ng pangkabuhayan. | ulat ni Rey Ferrer