Magkakapatid na Duterte, pormal nang naiproklama sa Davao City 
May 15, 2019

Naiproklama na kagabi ang mga anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong nangungunang posisyon sa Davao City.

Pasado alas-8:00 kagabi, pormal nang iprinoklama ng City Board of Canvassers (CBOC) ng Commission on Elections (COMELEC) sina incumbent Mayor Sara Duterte, ang bunsong si incoming Vice Mayor Sebastian Duterte, at Congressman-elect Paolo Duterte sa unang distrito.

Naantala ang proklamasyon ng magkapatid at mga kandidato sa pagka-konsehal ng unang distrito kahapon, matapos nagkaproblema ang SD card ng vote-counting machine sa isang clustered precinct sa Davao City National High School.

Ayon kay CBOC Chairperson Atty. Krisna Caballero, sa kabila ng mga problema sa mga vote counting machine (VCM) at SD Cards, nakaproklama pa rin sila ng mga kandidato nang mas maaga, kumpara sa mga nakaraang eleksyon.

Sinabi ni Caballero na nasa kanilang target na makapagproklama ng kandidato sa loob ng isang linggo, pero, nagawa nila ito ng mahigit sa 24-na-oras lamang matapos ang botohan.

Dagdag ng opisyal, nakapagtala ng 67 percent voting turnout ang lungsod nitong katatapos lang na eleksyon.  | ulat ni Armando Fenequito