Magna Carta for the Poor, aprubado na ng Pangulong Duterte
May 24, 2019

Sa ilalim ng RA 11291 o Magna Carta of the Poor na pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte, bubuo ang gobyerno ng National Poverty Reduction Plan (NPRP) at paiigtingin ang koordinasyon ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

Ito ay upang kilalanin ang karapatan ng mga mahihirap at tugunan ang kanilang mga pangangailangan upang maiangat ang kanilang buhay.

Sa ilalim ng NPRP, nakadetalye ang plano ng pamahalaan kung papaano tutugunan ang karapatan ng mga mahihirap pagdating sa sapat na suplay ng pagkain, edukasyon, bahay, disenteng trabaho, at access sa mga pasilidad at serbisyo para sa kalusugan at iba pa.

Bubuo naman ang National Economic Development Authority (NEDA) ng classification system para sa ikabibilis ng pagtukoy ng mga benipisyaryo ng mga proyekto at programa ng gobyerno.

Nakasaad rin sa batas na dapat bigyan ng prayoridad ng mga departmento ang pondong kinakailangan para sa programang nakalaan sa mga mahihirap.

Nilagdaan ng Pangulo ang batas noong April 12 na magiging epektibo 15-araw matapos na opisyal na mailathala.  | ulat ni Racquel Bayan