Mahigit 30 pamilya ng namatay sa sunog sa NCCC mall, umatras na sa kaso
October 11, 2018

Posibleng maapektuhan ang magiging resolusyon ng kasong isinampa laban sa owner at top management ng New City Commercial Center (NCCC) matapos umatras ang mahigit 30 pamilya sa kanilang reklamo.

Ayon kay City Prosecutor Nestor Ledesma, nagbigay ng kanilang affidavit of desistance ang mga ito ngunit nilinaw naman na hindi lahat ng 38 pamilya na namatayan ang nagsumite ng affidavit of desistance sa prosecution level.

Sinabi ni Ledesma, na ang pagsumite ng desistance ay nangangahulugan na hindi na interesado ang mga complainant na ipagpatuloy ang pagsampa ng kaso.

Binigyang linaw naman ng opisyal, na tanging ang kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries na isinampa laban sa NCCC owners at top management ang maaapektuhan sa nasabing hakbang.

Magpapatuloy naman ang kasong graft and corruption kabilang na ang falsification of public documents at grave misconduct, kung saan karamihan sa mga sangkot ay ang city building officials at ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Una nang naglabas ng subpoena ang City Prosecutors Office (CPO) laban sa mga respondents, kung saan ang iba ay nakapag-file na ng counter affidavit at meron ding humingi ng extension.

Pagsisikapan umano ng CPO na mailabas ang resolution sa nasabing kaso bago ang unang anibersaryo sa nangyaring sunog sa NCCC Mall kung saan 38 indibidwal ang namatay. | ulat ni Sheila Lisondra – DXRP Radyo Pilipinas Davao