Mananatili ang Tulfo brand of public service
June 03, 2019

Ito ang binigyang diin ni Erwin Tulfo, matapos humingi ng paumanhin kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, dahil sa pagpapahiya nito sa dating heneral.

Sa naging panayam ni Erwin sa Ronda Pilipinas, sinabi nito na bagamat handa silang mag-tone down sa kanilang komentaryo ay hindi nangangahulugan na maaapektuhan ang kanilang serbisyo publiko.

Aniya, tuloy-tuloy parin ang kanilang pagtulong sa mga nangangailangan, lalung-lalo na sa mga inaapi.

Nilinaw nito, na pagdating sa komentaryo ay magiging constructive criticism na ang istilong kanyang gagawin, para hindi na maulit ang naturang insidente.

Matatandaan na una nang humingi ng tawad si Erwin kay Bautista, at sa sampu ng mga kabaro nito, dahil sa ginawang pagmumura sa heneral.

Panawagan ng “Tutok Erwin Tulfo” host sa mga kritiko, huwag nang idamay ang kanyang pamilya at mga kapatid, at siya na lang ang batikusin, at inaako naman aniya niya ang kanyang pagkakamali. | ulat ni Lorenz Tanjoco