Marikina City, naghahanda na sa Bagyong Ompong
September 12, 2018

Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pagdating ng bagyong si Ompong na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsbility (PAR) ngayong hapon.

Nagpulong kahapon ang mga department head ng City Hall at mga opisyal ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Amang Rodriguez Hospital upang pag-usapan ang mga dapat gawin para masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa sandaling manalasa ang bagyo.

Kabilang sa mga napag-usapan ay ang mga protocol at mga dapat gawin ng bawat departmento ng City Hall sa pagkikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno na nasa Marikina.  Napag-usapan din ang mga bagyong nanalasa sa lungsod noong Hulyo at Agosto at kung paaano higit na maisasaayos ang pagbibigay ng mga kaukulang serbisyo sa mga mamamayan sa panahon ng kalamidad.

Inataasan naman ni Mayor Marcy Teodoro ang Marikina Rescue 161 na ihanda na ang mga kagamitang kakailanganin gaya ng mga bangka, lalo na sa paglikas ng mga taong nakatira sa mga mababang lugar at malapit sa ilog.

Nais ng alkalde na mapabilis ang pagbibigay ng mga pagkain sa mga evacuation center at kung maaari ito ay maihatid sa tamang oras.  Nais pa umano nito na ang pagluluto at paghahanda ng mga pagkain ay gawin na lang sa mga evacuation center na malayo sa nakagawian na Marikina Sports Center.

Bukod dito, napag-usapan pa ang pagdaragdag ng mga tao na mangangasiwa sa evacuation centers, kasama na ang mga doktor at nars.

Mahigpit ding ipatutupad ang forced evacuation sa sandaling umabot sa 18 meters ang tubig sa Marikina River sa pakikipagtulungan ng Rescue 161, mga opisyal ng barangay at ng kapulisan.

Hihigpitan din ang seguridad sa mga evacuation center, lalo na sa mga komunidad upang maiwasan ang mga nakawan sa mga kabahayang iiwanan ng mga lilikas.

Ang City Veterinary Office naman ay maghahanda ng mga tutuluyan ng mga alagang hayop ng mga lilikas sa evacuation centers.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang bagyong si Ompong, na may international name na Mangkhut, ay papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong hapon at sinasabing may potensyal na maging super typhoon.  | ulat ni Ched Oliva