Mga kadete ng PNPA, binalaan ng PNP Chief na ‘wag gumawa ng panibagong iskandalo
November 09, 2018

Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na huwag nang gumawa ng panibagong iskandalo sa naturang institusyon.

Ang babala ng PNP chief ay kanyang inihayag sa kanyang pakikipagdiyalogo sa mga kadete sa PNPA sa Silang, Cavite.

Sinabi ng PNP chief na wala namang ibinigay na commitment sa kanya ang mga kadete, at hindi rin naman istriktong mababantayan ng PNP ang mga kadete dahil nasa pamamahala ito ng Philippine Public Safety Colleges ang PNPA.

Magugunitang pumutok kamakailan ang kontrobersya sa PNPA kung saan inutusan umano ang dalawang junior cadets ng isang senior cadet na mag-oral sex sa kanyang harapan, habang nanoonood ang dalawang iba pang senior cadets.

Ito’y kasunod lang ng naganap na insidente noong Marso ng taong ito kung saan pinagtulungan umano ng mga junior cadets na bugbugin ang ilan sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony.

Sinabi ni Albayalde na kung ganito ang mentalidad ng mga kadete na balang araw ay magiging mga opisyal ng PNP, maipapasa din nila ang kultura ng karahasan sa kanilang mga tauhan.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni bagong talagang PNPA Director Sr. Supt. Chiquito Malayo, na kinausap niya ng masinsinan ang mga kadete na istriktong tumupad sa “honor code”.  | ulat ni Leo Sarne