Mga pasahero, dapat naaabisuhan agad tungkol sa kanilang delayed flights — Sen. Lacson
April 15, 2019

Dapat naipapaalam kaagad sa mga pasahero kung made-delay ang kanilang biyahe o flights.

Ito ang panawagan ni Senador Panfilo Lacson sa gitna ng nararanasang exodus ng mga biyahero ngayong Semana Santa.

Ayon sa senador, hindi dapat napaparalisa ng boredom o kabagutan ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), habang naghihintay ng anunsyo tungkol sa kanilang delayed flights.

Dapat aniyang ipinapalaam kaagad sa mga pasahero na made-delay ang kanilang biyahe para maging produktibo sila, imbes na masayang ang oras kakahintay.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkomento si Lacson tungkol sa airport at traffic congestion.

Una nang kinuwestiyon ng senador kung magkano ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa air traffic congestion sa NAIA, kung higit P3.5 billion pesos kada araw ang nawawalang oportunidad dahil sa lumalalang traffic sa Metro Manila.  | ulat ni Nimfa Asuncion