Mga pulis opisyal ng Northern Samar, sinibak ng PNP chief makalipas ang NPA raid sa Lapinig Municipal Station
August 10, 2018

Sinibak sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang hepe ng Lapinig, Northern Samar Municipal Police Station na si Inspector Noli Montebon at ang lahat ng pulis ng naturang istasyon kasunod ng pag-raid ng isandaang New Poeple’s Army (NPA)  terrorist sa munisipyo at police station ng Lapinig kaninang madaling araw.

Inanunsyo ni PNP Spokesperson Senior Supt. Benigno Durana na bukod sa chief of Police ng Lapinig, pinasibak din sa pwesto ni Albayalde ang commander ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company na si Chief Inspector Juan Byron Leogo at ang Northern Samar PNP Provincial Director na si Senior Supt. Romeo Campomanes.

Inirekomenda rin ng PNP Oversight Committee sa PNP Chief ang pagsibak sa pwesto kay Police Regional Office 8 Regional Director Chief Supt. Mariel Magaway, pending ang resulta ng imbestigasyon sa insidente.

Dalawang pulis na kinilalang sina PO1 Edison Aguirre at PO2 Gerry Quilicol na nagmamando ng kanilang guard posts ang nasugatan nang sumalakay ang malaking bilang ng mga NPA na armado ng matataas na kalibre ng baril kaninang bandang alas dos ng madaling araw.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ilang firearms at maging personal belongings ng mga pulis ang natangay ng mga terorista. | ulatni Leo Sarne