Mga residente sa coastal municipalities sa Pangasinan, binalaan ukol sa storm surge
September 14, 2018

DAGUPAN CITY- Nagbabala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga residente sa coastal cities at municipalities sa lalawigan ng Pangasinan sa posibleng pagtaas ng alon sa karagatan o storm surge.

Ayon kay Mr. Ron Castillo ng PDRRMO, tinututukan nila ang 14 na lugar sa probinsya, partikular ang bayan ng Infanta, Agno, Anda, Bolinao, Burgos, Dasol, Sual, Bani, Labrador, Lingayen, Binmaley, San Fabian, lungsod ng Alaminos at Dagupan.

Sinabi nito na posibleng umabot sa 2.5 ft. ang alon sa karagatan, na makakaapekto sa mga nakatira malapit sa baybayin.

Dahil dito, mainam aniya na iayos na lamang ng mga residente ang kagamitang iiwanan sa tahanan at maagang lumikas sa mas ligtas na lugar. | ulat mula sa DZMQ Radyo Pilipinas Dagupan