Mga Senador, hinikayat ang mga Pilipino sa ibang bansa na bumoto
April 15, 2019

Hinikayat ng mga Senador ang mga Pilipino sa ibang bansa na makiisa at bumoto ngayong nagsimula na ang overseas absentee voting.

Sa isang pahayag, binigyang diin ni Senador Joel Villanueva ang kahalagahan ng pakikiisa sa eleksyon.

Aniya, ang pagboto ang pinakamahalagang political exercise na magagawa natin bilang bahagi ng isang demokrasya.

Giit pa ni Villanueva, trinabaho ng kongreso ang karapatang bumoto ng mga Pilipino sa ibang bansa maging ng mga public servant na nagtatrabaho tuwing araw ng eleksyon para madinig ang kanilang sentimyento bilang mga mamamayan ng Pilipinas.

Para naman kay Senador Sonny Angara, dapat damihan ng Comelec ang bilang ng mga voting precinct para sa overseas absentee voting para mas maraming Pinoy ang makaboto.

Karamihan kasi aniya sa reklamo ng mga Pinoy abroad ay masyadong malayo ang mga presinto kaya hindi sila nakakaboto.

Habang si Senador Koko Pimentel naman ay naniniwalang dapat pang palakasin ng Comelec ang information campaign tungkol sa overseas voting. Dapat aniyang maipaalam na nagsisimula na ang voting period para sa mga overseas Filipino. | ulat ni Nimfa Asuncion