Mga senador, nakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang bukas ng Eid’l Fitr
June 14, 2018

Nakikiisa ang Senado sa ating mga kapatid na Muslim sa kanilang pagdiriwang bukas ng Eid’l Fitr.

Bukas, araw ng Biyernes ang pagtatapos ng Ramadan, isang banal na buwang nakalaan sa pag-aayuno, panalangin, at pagbibigay-tulong sa kapwa.

Sa bahagi ni Senador Grace Poe, kanyang sinabi na kanyang inaasahan na napatatag ng buwan ng Ramadan ang pananampalataya ng bawat isa kasunod ang mga pagdiriwang ng bagong pag-asa at higit na malusog ang pangangatawan at kaluluwa ng bawat mananampalataya sa Islam.

Ayon sa senador, ipinagdiriwang natin ang okasyong ito sa panahon na tayo ay umaasa na makakamit na natin ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa bansa lalo na sa Muslim Mindanao.

Dagdag pa ni Poe na taimtim nating hangad na sa pamamagitan ng Eid’l Fitr, magiging mas mabubuting mamamayan tayo na handang humarap sa mga bagong hamon sa ating personal na buhay at bilang isang bansa.

Una nang idineklara ng Malacañang ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr bukas bilang isang regular holiday sa buong bansa. | ulat ni Jojo Ismael