Mga tarpaulin na nagsasaad na probinsiya ng China ang Pilipinas, malaking kalokohan – Malacañang
July 12, 2018

Tinawag na kalokohan ng Palasyo ang mga tarpaulin na nakitang nakasabit sa ilang overpass sa Kalakhang Maynila ngayong araw.

Ito ang naging reaksiyon ng Palasyo kasunod ng pagkalat sa social media ng larawan ng mga tarpaulin na nagsasabing ang Pilipinas ay probinsya ng China.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posibleng nais lang ng mga nasa likod ng nabanggit na tarpaulin na mang-inis.

Ayon kay Roque, ipauubaya na nila sa mga nangangailangan ng tarapal na tanggalin ang mga ikinalat na tarpaulin na maaari aniyang gamitin sa bubong, pansapin sa sahig o pangtarapal sa palikuran.

Bumungad sa publiko at sa mga motorista ngayong umaga sa mga footbridge ng Philcoa, P. Tuazon sa Quezon Avenue at mayroon din sa area papuntang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nakalagay sa tarpaulin ang mga katagang, “Welcome to the Philippines, Province of China.”  | ulat ni Alvin Baltazar