Muling pagbubukas ng Boracay ngayong buwan, hindi na pupuntahan pa ni Pangulong Duterte
October 11, 2018

Wala sa prayoridad ng Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik sa Boracay sa muling pagbubukas nito ngayong Oktubre.

Punto ng Pangulo, na ang mahalaga sa ngayon ay inaayos ang isla at mas mabuting ipaubaya na lamang kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang pagbabalik sa dating maayos at masiglang kondisyon ng Boracay.

Nagpasiya si Pangulong Duterte na ipatigil ang operasyon ng mga establisyimento at ipagbawal muna ang pagbisita sa Boracay sa loob ng anim na buwan matapos na makita ang pagsasalaula sa nabanggit na isla.

Paglalarawan nga ng Presidente, isang malaking “cesspool” ang isla gayung lahat ng dumi galing sa mga tahanan at establisyimento ay rektang itinatapon sa karagatan.

Una na ring sinabi ng Pangulo, na idini-deklara na niya bilang land reform area ang Boracay at iso-sauli na sa mga tunay na may-ari, o ang mga magsasaka at mga katutubong Ati.   | ulat ni Alvin Baltazar