Pag-endorso ni Pres. Duterte kay dating Sen. Estrada, walang masama – Palasyo
February 11, 2019

Walang nakikitang masama ang Malacañang kung kasama man sa listahan ng mga preferable senatorial candidates ng Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senador Jinggoy Estrada.

Ito’y sa kabila ng kinakaharap na kaso ni Estrada na may kinalaman sa pork barrel scam na  hanggang ngayo’y patuloy pa ring dinirinig sa Sandiganbayan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nananatiling inosente pa rin ang dating senador sa asuntong kinakaharap nito.

Hindi rin ani Panelo ito taliwas sa mga naunang pahayag ng Presidente, na kahit “amoy” pa lang ng korapsyon ay kakastiguhin na nito ang sinumang nasasangkot sa iregularidad.

May ginagawa aniya munang masusing pagsisiyasat sa isang isinasangkot bago magpatalsik ng isang opisyal ng pamahalaan ang Presidente.

At sa sitwasyon ani Panelo ni Estrada, hindi pa naman ito napatunayang nagkasala at nananatili itong inosente “until proven guilty”.

Nitong nakalipas na Biyernes ay itinaas ng Pangulong Duterte ang kamay ni Estrada sa isang event sa Legaspi City bilang pag-endorso sa kandidatura nito sa darating na Mayo.  | ulat ni Alvin Baltazar