Pag-regulate ng gobyerno sa serbisyo ng tubig, dapat pag-aralan –  SP Sotto
March 15, 2019

Dahil sa perwisyo sa suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila, baka napapanahon nang ibalik sa gobyerno ang operasyon ng water services sa kalakhang Maynila.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, isa ito sa kanyang irerekomenda sa gagawing pagdinig sa Martes ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe, sa nararanasang water crisis sa East zone ng Metro Manila na nasa ilalim ng Manila Water.

Sinagot din ni Sotto ang mga puna, na hindi epektibo ang gobyerno sa pagma-manage ng public utilities tulad ng tubig, sakaling bawiin ang umiiral na deregulation sa water services.

Katuwiran ni Sotto, nang nasa pangangasiwa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kabuuan ng Metro Manila, hindi naman umabot sa crisis level ang problema sa suplay ng tubig.

Binigyang diin ni Sotto, malinaw na may kapabayaan sa Manila Water dahil perwisyo ang inaabot ngayon ng mga nasa east zone ng Metro Manila na sakop ng naturang water concessionaire.

Ipapatawag sa senate hearing sina Chief Operating Officer Geodino Carpio at Communications Head Nestor Jeric Sevilla, Jr. ng Manila Water, at si Chief Operating Officer Randy Estrellado ng Maynilad Water Services, na sumasakop sa west zone.

Dadalo din ang mga kinatawan ng concerned government agencies tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Local Water Utilities Administration (LWUA), National Water Resources Board, Pagasa at MWSS. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes