Pag-uugnay sa Pangulo sa may-ari ng nanalong bidder na 3rd Telco, walang basehan
November 09, 2018

Tinawag na “baseless assumption” ng Palasyo ang binuong konklusyon ng iba, na kaya nakuha ng Mislatel ang pagiging provisional new major telecommunications player, dahil sa pagiging supporter ng may-ari nitong si Dennis Uy sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, alam naman ng lahat na walang kai-kaibigan, alya-alyansa at relasyon sa Pangulo kung pagsunod sa batas ang pinag-uusapan.

Ani Panelo, bukod dito ay paulit-ulit din na sinasabi ng Presidente, na kanyang polisiya ang hindi manghimasok sa alinmang departamento ng pamahalaan.

Dagdag ng tagapagsalita, na hindi rin naman ibig sabihin na kapag ikaw ay taga-suporta ng Presidente ay maituturing ka ng close o malapit sa Pangulo.

Binigyang-diin rin ni Panelo, na ang polisiya ni Pangulong Duterte na hindi panghimasukan ang anumang kontrata sa pamahalaan ay mananatili hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa taong 2022. | ulat ni Alvin Baltazar