Pag-veto ng Pangulong Duterte sa bahagi ng budget, nakabase sa konstitusyon — Sen. Drilon
April 16, 2019

Nakabase sa batas at konstitusyon ang ginawang line item veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa budget.

Ito ang giniit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa gitna ng mga pahayag ng ilang mambabatas kontra sa Senado.

Ayon kay Drilon, batas ang pinagbasehan ng Pangulo at hindi lamang sa kadahilanang kinakampihan nito ang Senado.

Partikular na binanggit ni Drilon ang August 1997 decision ng Korte Suprema na nagsasabing ang attestation ng Senate president at House speaker ang patunay na ang panukalang pondo ay wastong ipinasa at inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sa tinurang ito, binigyang-diin ni Drilon na limitado lamang ang naging certification ni Senate President Tito Sotto sa 2019 budget sa mga item na inaprubahan sa Bicameral Conference Committee at niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Dahil dito, ang ginawang line item veto ng Pangulo ay may legal at constitutional ground at hindi dahil sa may pinapanigan ito sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Matatandaang si Drilon ang nagrekomenda kay Senate President Tito Sotto na pirmahan ang budget bill ng may strong reservation.  | ulat ni Nimfa Asuncion