Paghahanda ng kaso laban sa may-ari ng Chuzon Supermarket, gumugulong na
April 26, 2019

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na pinaghahandaan na ng PNP ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga.

Ayon sa PNP chief, kasalukuyan nang nangangalap ng ebidensya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kinuhuha na ang statement ng lahat ng complainants na napinsala sa gumuhong gusali.

Una nang sinabi ni PRO 3 Regional Director Police Brig. Gen. Joel Coronel na hindi pa agad-agad masasampahan ng kaso ang negosyanteng si Samuel Chu.

Ito’y dahil kailangan ding imbestigahan ang mga contractor ng gusali at iba pang may kinalaman sa building maintenance.

Ayon sa PNP chief, hindi lang ang may-ari, kundi pati ang mga contractor at maging mga lokal na opisyal na nag-apruba ng permit sa konstruksyon ng gusali, ang posibleng managot.

Sinabi pa ni PNP Chief na tatanggapin ng PNP ang mga reklamo ng mga nais na magsampa ng kaso laban sa may-ari ng gumuhong gusali.  | ulat ni Leo Sarne