Paghain ng reklamo laban sa mga politikong nasa narco-list, collective affort  — PNP Spox
March 15, 2019
Nagtulong-tulong ang mga ahensyang kabilang sa Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs sa paghahain ng reklamo laban sa mga politikong kabilang sa sinasabing narco-list.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Col. Bernard Banac matapos na ibunyag kagabi ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng 46 na umano’y mga “narco politicians”.

Kabilang sa inisyal na pinangalanan ay 35 mayors, pitong  vice-mayors, isang provincial board member, at tatlong miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongresso.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ang mga pinangalanan ng Pangulo ay “validated” na may kaugnayan sa iligal na droga at nasampahan na ng kasong administratibo sa Ombudsman.

Paliwanag naman ni Banac ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman ay ginawa ng DILG sa utos ng Pangulo, base sa listahan na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na binuo sa pagtutulungan ng lahat ng miyembro ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs kung saan kabilang ang PNP.

Ang mga naturang politiko ay nahaharap sa administratibong kasong “grave misconduct”, “conduct prejudicial to the best interest of the service”, “conduct unbecoming of a public officer”, at “gross neglect of duty”.  | ulat ni Leo Sarne