Pagiging Spokesperson, hindi na bagong bagay pa para kay Secretary Panelo
October 12, 2018

Sanay na si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo sa kanyang mga gagawin, kaugnay ng dagdag nitong bagong trabaho bilang bagong Presidential Spokesperson.

Kasunod ng kumpirmasyon ng Malacañang na siya na ang magiging tagapagsalita ng Presidente simula sa darating na Lunes kapalit ni Secretary Harry Roque.

Ayon kay Panelo, dati na siyang nagsasalita at nagbibigay ng opinyon kung mayroong isyung dapat liwanagin kaya aasahang hindi siya mangangapa sa bagong papel para ipabatid ang mensahe ng Pangulo sa publiko.

Dagdag pa nito, dati na siyang nagsasalita para sa Presidente at kahit noon pa mang tumatakbo pa lang sa pagkapangulo ang Presidente ay siya na ang spokesperson nito.

Una na ding inihayag ni Pangulong Duterte noong Martes na si Secretary Panelo ang magiging bagong Press Secretary sa sandaling buhayin ang Office of the Press Secretary. | ulat ni Alvin Baltazar